Welcome Guest
THE PLC :)

 Sabay-sabay tumaas

MALI yata ang survey ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia na ginawa noong nakaraang December 2010. Ayon sa survey, mataas ang pag-asa ng mga Pilipino na gaganda ang kanilang buhay ngayong 2011. Ayon sa Pulse Asia, 85 percent ng mga Pinoy ay umaasang gaganda ang kanilang buhay at makakamit ang matagal na nilang hinahangad. Pero kung mataas ang pag-asa sa survey ng Pulse Asia, mas mataas ang survey ng SWS sapagkat 93 percent ng mga Pinoy ang naniniwalang uunlad ang kanilang buhay. Imagine, siyam sa 10 Pinoy ang punumpuno ng pag-asa ngayong 2011.

Pero nagkamali nga yata ang survey dahil pagpasok pa lang ng 2011 ay pawang pagtaas na ng mga bayarin ang sumalubong sa sambayanan. Pagkaraang magdiwang noong Bagong Taon at magpaputok nang magpaputok ay eto na ang bumulaga: mataas na ang bayad sa toll ng North Luzon Expressway at South Luzon Expressway, nakaamba ang pagtaas ng pasahe sa mga bus, jeepney, taxi at maging sa LRT at MRT, nakaamba na rin ang pagtaas ng presyo ng tinapay dahil sa pagtaas naman ng presyo ng arina. Nakaamba naman ang pagtataas muli ng presyo ng gasolina. Noong Disyembre ay nagtaas ng limang beses ang mga kompanya ng langis sa kanilang mga produkto. Inaasahan na magtataas daw ngayong linggong ito dahil sa pagtaas ng krudo sa world market.

Sobrang nangarap ang mga Pilipino at umasa nang todo-todo sa mga mangyayari ngayong 2011. Sabagay, hindi naman masisisi ang karamihan ng Pilipino kung mangarap nang todo sapagkat matagal na silang umaasa na magbabago ang buhay. Ngayong bago ang presidente, lalo nang naging mataas ang kanilang pag-asam.

Pero masakit mabigo kapag sobra-sobra ang pag-asam. Masakit lalo na kapag ibinuhos ang pagtitiwala sa bagong liderato at pagkatapos ay ganito pala ang kahaharapin sa 2011. Nararapat na gumawa ng hakbang si President Aquino kung paano hindi masasaktan ang balikat ng mamamayan sa bagsak ng mga pasanin ngayong taon na ito. Ipakita niya na karapat-dapat ngang maging mataas ang ekspektasyon ng mamamayan sa kanyang pamumuno.

 


Our poll
Rate my site
Total of answers: 175
Statistics

Total online: 1
Guests: 1
Users: 0
Login form
Search
Site friends
  • Create a free website