Aralin 15: Mga Salik na Nakakaapekto sa Demand
Bawat bagay ay nagbabago, gayun din ang demand. At sa araling ito, itinalakay ang iba’t ibang salik na nakakaapekto as galaw ng demand maliban sa presyo. Una sa listahan ang okasyon. Likas sa ating mga Pilipino ang ipagdiwang ang iba’t ibang okasyon na dumarating. Kaya sa bawat selebrasyon, tumataas ang demand sa mga produkto na naaayon sa okasyong ipinagdiriwang. Ikalawa ang populasyon. Sinasabing ang populasyon ay potential market ng isang bansa. Ang pagdami ng tao ay naglalarawan ng pagdami ng bilang ng mga konsyumer. Kapag marami ang kumukonsumo ng mga produkto ay tumataas ang demand sa iba’t ibang produkto. Ikatlo ang ekspektasyon. Sa mga panahon na may kalamidad o kaguluhan, ang mga konsyumer ay nag-iisip na maaaring maapektuhan ang kanilang kabuhayan at maaaring tumaas ang presyo. Dahil sa ganitong sitwasyon, ang mga konsyumer ay nagpapanic buying. Bunga nito, ang demand sa mga produkto ay tataas, kaya’t ang presyo ay tataas din. Ikaapat ang panlasa/kagustuhan. Ang pagkahilig o pagkasawa sa isang produkto ay dahilan din ng pagbabago sa demand. Dito pumapasok ang prinsipyo ng diminishing utility na nagpapaliwanag ng unti-unting pagkakasawa sa pagkonsumo ng isang uri ng produkto.
|