Ang Gampanin ng Pamahalaan sa Pamilihan
Ang ekilibriyong presyo ay nakakamit sa pamamagitan ng interaksiyon ng konsyumer at prodyuser. Ngunit may pagkakataon na ang presyo ay itinatakda ng pamahalaan upang protektahan ang mga konsyumer o prodyuser.
Ang Republic Act 7581 na kilala sa tawag na Price Control Act ay ipinatupad upang maisagawa ng pamahalaan ang pagkontrol sa presyo ng mga bilihin. Ang National Price Coordinating Council ay naglalayon na imonitor at bantayan ang presyo ng mga produkto pagkatapos magpalabas ng price ceiling. Ang price ceiling ay ang pinakamataas na presyong itinakda ng pamahalaan upang ipagbili ang mga produkto.
Mayroon ding tinatawag na price support. Ito ang tulong ng pamahalaan para sa mga prodyuser matapos itinakda ang floor price. Ito ay mas mataas kaysa sa presyong ekilibriyo na umiiral sa pamilihan.