Iniulat ng Social Weather Stations (SWS) na isa sa apat na pamilyang Pilipino ang nagugutom. Ito ba ang larawan ng isang bansa na sinasabing may matatag na ekonomiya?
Sa kasalukuyan, hindi maipagkakaila ang mapait na katotohanang ang bansa ay nahaharap sa matinding gutom at karalitaan. Isang patunay dito ang palagiang pagtaas ng mga bilihin na siyang naglulugmok sa maralitang Pilipino sa putik ng kahirapan. Dagdag pa rito ang inilabas na ulat ng International Monetary Fund (IMF) na nagsasaad na ang Pilipinas ay ika-121 sa 180 bansa kung pagbabasehan ang kahirapan.
Bagyo roon trahedya roon. Hindi pa man nakakaahon ang bansa sa mga pinsalang iniwan ng isang bagyo, mayroon na namang panibagong pagsubok ang dumarating sa bansa. At sa ganitong uri ng takbo ng mga pangyayari, ang presyo ng mga bilihin ang pinakaunang naaapektuhan, at sa kasamaang palad, ang mamamayang Pilipino ang naiipit. Bukod pa rito, ang ekonomiya ng bansa ay siya ring nagdurusa.
Sa kabilang dako, hindi lamang puro negatibo ang nangyayari sa lipunan. Nahihinuha ng United Nations (UN) at Asian Development Bank ang pag-imbulog ng ekonomiya na maaari nang maihanay sa ibang bansa sa Timog-Silangang Asya. Sa kabila ng mga problema na hinaharap ng bayan at mga puna na itinatapon sa pamahalaan, nananatiling positibo ang administrasyon.
Kung titingnan, malaki ang pag-asa ng Pilipinas na makamit ang kasaganaan at katiwasayan sa bawat buhay ng mga naghihikaos na Pilipino. Kung pagtutuunan lamang ng pansin ng lipunan ang tamang paggamit at pag-iingat sa likas na yaman, at mas paiigtingin pa ang pagpapatupad ng iba’t ibang programa tulad ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan (KALAHI) at Food for Progress, hindi malayong makamtan ng bayan ang 0% ng kahirapan.